Tutula na si Ma'am (Para sa mga gurong may puso!)










Tutula na si Ma'am
Ni:Emma Bicolana


Noy, naalala mo pa,

Nang magtagpo mga mata?
Noy, nakangiti aking mukha,
Habang ika'y nag-aalala.

Nag-aalala ka na ako'y baka,
Isang halimaw na masama,
Nangangain ng bata,
Nandudukot ng mata.

Masaya ako noon sa simula,
Pagkat taglay mo'y isang tanda,
Na sa akin, ika'y tatalima,
Mga aralin ko'y iyong makukuha.

Noy, tama nga ako.
Mahusay ka sa klase ko,
Kaya't lagi akong napapatango,
Napapapalakpak pa nga ako.

Ngunit Noy 'di  naglaon,
Naglayag yaring panahon,
Sa klase ko liban ka tuwing hapon,
Pag-aaral ata'y nais nang itapon.

Tinanong kita Noy pero wala,
Akong maapuhap na sagot kapagka,
Di nalamang ma'y problema ka,
At sa pagpasok ay nahihirapan na.

Pansin ko lang ang 'yong katawan,
Hirap nang makipagsabayan,
Sa mga kamag-aral, nagsasayawan,
Nagkakantahan, nagtatawanan.

Kinausap ko ang nanay mo,
Ni hindi makatingin sa mata ko,
Tila ba sa akin,may itinatago,
Na ayaw sabihing sikreto.

Di ako tumigil Noy, alam mo?
Alamin ang nangyayari sayo,
Ngunit di ko naisip ito,
Di ko naisip na magigimbal ako.

Isang araw, dumating nanay mo,
Habang ako'y nasa klase,nagtuturo,
Sumikip bigla ang dibdib ko,
At nagtambulan ang aking puso.

Itim Noy ang suot ng nanay mo,
May tangan na kwaderno.
Likido sa mata ko nama'y tumulo,
Bumaha sa silid ng pusong lumo.

Noy, ang kwaderno mo,oo sayo.
Puno ng tulang isinulat mo,
Nang sa ospital ay napako,
At humihina yaring puso.

Sa akin pala, oo. Ako nga,
Inilagak mo saki'y paghanga,
Itinago mo ang 'yong katha,
Kung saan ako ang bida.

Sabi mo nga, ako'y maganda,
Lalo na pag labi'y mapupula,
Pati himig ko'y tila ba,
Sayo'y musikang nakahahalina.

Noy, ang ating mga gawain pala,
Pagbasa at pagsulat at pagpinta,
Pag-awitan at pag- aktingan pa,
Mga bagay na sayo'y nagpapasaya.

Hindi mo rin makalimutan,
Sa Matematika'y yong nasagutan,
Isang bugtong na di mo tinigilan,
Upang mapataba yaring isipan.

Pero Noy huli na. Oo, huli na.
Para saan pa mga tula,
Upang ako ba'y mapasaya,
At patuloy ka naming makasama?

Noy, inukit mo pala ako sa'yong buto,
Mahal ako, yan ang sabi mo,
Akala ko kasi,aking pagkaguro,
Hanggang sa papel lang saiyo.

'Di man ako nakapagpaalam saiyo,
Noy, sana nasabi ko rin 'to,
Na ako bilang guro,
May tunay na puso saiyo.

Kaming guro, Noy nagtatrabaho,
Oo,dahil 'yon sa sweldo,
Pero bakit ba kami patuluyang nag-eensayo,
Iyon ay dahil kayo ang aming ginto.

Kaya Noy, ang aking tula,
Akin itong iniaalay walang iba,
Sayo, Noy. Oo, Noy sayo talaga,
Isang kathang ikaw ang kaluluwa.

Ilang taon man ang lumipas,
Ganda ko ma'y tuluyang kumupas,
Ako'y walang humpay na bibigkas,
Ituturing, mga bata na aking mga hiyas.



Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Sa mga naghahanap diyan ng BF!